Sunday, November 2, 2025

Entry #3 (Pagsasaayos ng Buhay Ko)

Magandang gabi po sa ating lahat! :)

Paunang Salita Dahil All Souls' Day

Ngayon nga pala ay All Souls' Day rito sa Pilipinas. Kaya marapat lang din na mag-tirik man lang ako ng kandila o insenso para sa mga kamag-anak kong namaalam na.

Partikular dito ang Grandma ko sa side ng Daddy ko - kamamatay lang niya. Ang Papa Lolo at Lolo Fabie ko. Ang Tito Arbie. Ang Tito Fernan. Ang Tito Mike. Ang Tita Rona. Mga kapatid kong sina Cheska at Anching. Si MamiLa (Mommy ng stepmom ko). Si Tito E-Boy (Papa ng partner ko). Si Tita Santa (Tita ng partner ko).

Sigurado yan, marami pa akong nakalimutan. Pero sa ngayon, sila talaga ang naaalala ko. Dahil naging malaki ang parte nila sa buhay ko...

Anong Pinagkakaabalahan ko Ngayon

Speaking of buhay ko, meron akong aklat na binabasa. Ang pamagat ay "More Income Pare!" Hehehe... Maraming maraming salamat sa kumpanya kung saan ako nagtatrabaho ngayon. Nakakahiram ako ng mga libro. ^ __ ^ 

Alam na rin naman siguro natin kung bakit ganitong libro ang binabasa ko ngayon. Gusto kong magkaroon ng extra income. May trabaho naman ako ngayon sa advertising industry, at isa pa ay rumaraket ako bilang tutor ng Grade 6 at Grade 12. Kahit na ba Freelance Coordinator ang job title ko doon sa trabahao ko, naniniwala naman akong aayos ang buhay ko kahit paano dahil mauunti unti ko nang mabawasan ang mga utang na naipon ko noong nandun pa ako sa dati kong trabaho.

Nakakalungkot man pakinggan, pero oo, utang ang naipon ko, hindi savings. :P

Gusto ko lang din siguro na mas bumilis pa ang pag-ganda ng buhay ko dahil medyo matagal ko na ring pinapangarap na gumaan gaan ng kaunti ang pagkilos ko sa buhay. Parang medyo nakakapagod din kasi na sa kada araw na lang ng buhay ko eh kailangan kong magtipid ng magtipid. Pagkakasyahin ko ang sahod ko at paminsan ay kulang pa, para lang may pangkain sa araw araw. 

Marami naman nang na-improve ang pagkita ko ngayon ng pera kumpara noong nakaraang 2-3 years. Mabigat na mabigat talaga ang lahat ng bagay noon dahil tinatawagan ako nang tinatawagan ng mga pinagkakautangan ko, at wala kami laging pambayad ng utilities, at sobrang tipid sa pagkain. 

Isang Malaking Pagkakamali

Malaking pagkakamali, kung tutuusin, ang pag-iwan ko noon sa trabaho ko noong September 2023. Walang wala akong ipon. Napakarami kong utang. Pero hindi ko na talaga kinaya noon. Nararamdaman kong nagkakaroon na ako ng problema sa pag-iisip (mental health problem) at araw araw akong iyak nang iyak. Araw araw kong hinihila ang sarili ko para magtrabaho, at hindi na rin maganda ang pagtanggap ko sa mga sinasabi ng mga tao. Kinailangan ko na rin munang mag-decompress para maibalik ang sarili ko sa dati. 

Sa totoo lang, kahit hanggang ngayon ay sinusubukan ko pa ring ibalik ang sarili ko sa dati - yung panahong napakarami kong energy para gumawa ng mga bagay bagay. Yung mga panahong may gana akong kumilos at maging magaling. Parang ang nangyari kasi sakin noong 2023 ay pumapasok na lang ako sa trabaho para lang sa sahod. Para lang may pambayad ako ng utang. Para lang may pang-bigay ako sa pag-aaral ng kapatid ko. Para lang may pambayad ako sa utilities.

Noong 2023 ay walang wala akong "breathing room." Ang pakiramdam ko ay alipin ako. Nakagapos. Nakakulong. Ang lalim. XD

Pero sa totoo lang, ganyan ang pakiramdam ko noon. Mahirap na nga at ang pamilyang pinanggalingan ko ay sadyang negative-thinkers tapos parang nababalot pa sa kadiliman ang pakiramdam ko noon.

Kinailangan ko munang makawala. At ngayon nagsisimula ako ulit.

Bagong Simula

"Nagsisimula ka pa lang" o "nagsisimula ka na naman" - pwede ko isiping ganun. O pwede ko ring isipin na hindi pa naman huli ang lahat, pwede kong isipin na may pag-asa pa ako dahil medyo bata pa naman ako (35 years old ako ngayong 2025).

Pwede kong piliin na maging positibo.

Baka yun nga ang kaibahan ko ngayon kumpara noon - kailangan kong piliin na maging positibo. Kailangan kong piliin ang mga mangyayari sa buhay ko. Kailangan kong piliin ang mga magiging habits ko. Noon kasi ay parang napakadali lang gawin yung maging positibo sa buhay. Tapos kapag dumaan ka sa hirap ng buhay, parang mas mahirap lahat. Mas mahirap paninidigan ang mga bagay bagay. Mahirap maging masaya lagi. Bakit kaya ganun?

Pero anyway, ito tayo sa "pagsasaayos ng buhay ko." Partikular diyan ang pagsasaayos ng finances ko.

Gusto ko lang din i-share itong librong ito at baka makatulong din sa inyo (link). Hindi ko pa alam kung makakatulong nga ito sa akin. Marami rami na rin kasi akong nasubukan dito sa mga extra income ideas na inilista rito sa libro pero lahat ay hindi ko talaga matutukan. Hindi kaya ng oras ko, at na-realize ko lang na hindi pala ako dapat masyadong umaasa sa tulong ng pamilya para makatipid ako at para makatulong sila sa'kin dahil lang ako ang provider. Parang medyo maling mindset para sakin yun. Kasi hindi naman kami pareho ng drive. Ang mas marapat siguro ay humanap ako ng mga taong mas maaasahan pagdating sa pagpapalago ng pera.

Hindi ko naman goal maging super mayaman - malayo layo tayo jan sa sitwasyong yan. Hehe... Gusto ko lang maging komportable. Sa ngayon, komportable ang isip ko. Okay ang takbo ng utak ko, kailangan ko lang matutunan kung paano ko ba ibabalanse ang mga bagay bagay.

Hanggang dito na lang po muna. Maraming maraming salamat sa mga nagtiyagang magbasa. ^ __ ^

Entry #3 (Pagsasaayos ng Buhay Ko)

Magandang gabi po sa ating lahat! :) Paunang Salita Dahil All Souls' Day Ngayon nga pala ay All Souls' Day rito sa Pilipinas. Kaya m...